Tag Archives: andres bonifacio

Makinig o Mamaalam

Kababayan kayo na ay mamaalam –
Sa panahong kayo’y wala sa inyong tahanan,
Alalahanin ang halaga ng pagsunod sa kautusan,
Manatili tuwina sa bahay upang kayo’y di ma pagalitan.

Kalungkutan sa iba’y inyong idudulot
Pag di namahay at laging paikot-ikot;
Tila nais nyong maipamalas inyong alindog
Ngunit sa kapitbahay ay covid inyong handog.

Sa pakikidigma sa covid, mga nars tumatangis
ang alay na nila’y ang buhay na kipkip,
walang agam-agam, maluwag sa dibdib,
matamis sa kanilang puso at di ikahahapis.

Kapag doon sila kinakaikailangan –
mga pulis at doktor magsisipagpuntahan,
Sila ay handang sa covid makipaglaban,
gayon din kayo dapat lalo’t hiling ng Bayan.

Walang maraming mamamatay,
Kung lahat mananatili sa bahay
yaong maligayang araw ay sisikat
sa likod ng luksa nitong nagtabing na ulap.

Ang inyong tulong ibigay kung kinakailangan
Pagsugpo sa covid ay ating pagtulungan
Bayanihan ay panatilihing nabubuhay,
Upang pagka-Filipino ay magliwayway.

Ating ikintal sa ating puso’t mga isip
Ang kasalukuyang sakit ay tunay na malupit,
Panaghoy ng mga nagdurusa sana’y masilip
Upang ating puso’y mabuhayan ng malasakit.

Natuyong luha sa mata ng ating kababayan
Wag titigan, nawa sila’y ating tulungan,
Kumakalam nilang sikmura’y isang kapighatian
Sa limang libo sila’y makikipag away lamang ay mabigyan.

Mga kabuhayang natigil ay siya nilang gunita
Malamig na kanin ay kanilang ninanasa-nasa
Makikipagtulakan, malamnan lang kanilang mga sikmura
Upang pag hinga’y huwag pumanaw ng bigla.

Ikaw na maginhawa’t laking marangya,
Silang mga gutom ay iyong tulungan
Hininga nila’y di malalagot pag ika’y nag alay
Simpleng pagkain mo sa kanila ay bubuhay.

Sa libingan, mga may covid di na mahihimlay
Walang malagong damo at mga bulaklak,
Bangkay nila ay ipapakain sa apoy nagliliyab
Tanging mga abo ang matitira’t walang lalamayan.

Sa inyong mga puso nawa’y aking maiparamdam,
Ang lamig ng lupa ng mga libingan,
Ang init ng apoy na sa katawa’y tutunaw
Upang sakit na covid ay maintindihang tunay.

Hayaang ang buwan ng Abril ay tumigil
Tag-araw na malamlam at tahimik,
Unang ulan ng Mayo sa atin ay maihatid
Maiwasan lang ang covid na tila hanging hagibis.

Kung sakasakaling buhay mo’y dun humantong
Huwag kang malilito at magtatanong
Pagkat kasalanan mong tunay na ika’y naparoon –
Di marunong sumunod ng mahinahon.

Bayaang sino man sa di marunong sumunod
Wag tangisan maagang buhay na nakitil;
Katigasan ng ulo sa kanila’y nanaig
idalangin, Bayan, sana lahat ay makinig.

Idalanging wala ng taong mamamatay,
At magtitiis sa hirap na walang kapantay;
Na dala ng sakit na covid sa kapalaran
Pagkat dala nito’y puros kapighatian.

Maraming mababao’t mangungulila,
Mga tao’y magkakasakit at magdurusa;
Dalanginin ko namang bakuna ay makita,
Mga gamot sa sakit, matuklasan at ikagiginhawa.

Mga madilim na gabi, tunay na mapanglaw
Ngayon ay lumalaganap, maparito, maparoon
Lahat ng ito’y matatapos at matitigil rin,
Magtulungan, umasa at tayo’y manalangin.

Ang Kanyang hiwaga sana’y mapasaatin;
Bayang Pilipinas ay pagpalain at gumaling,
tunog ng gitara’t mga tambol ay magsaliw,
Kanyang kapurihay dapat nating aawitin.

(Ito ay isang tulang kuha ng hugot sa tulang PAHIMAKAS ni Gat Jose Rizal ayon sa salin sa Filipino ni Gat Andres Bonifacio. Naisulat ko ito bilang isang paalala sa lahat ngayong nagngangalit ang pandemyang dulot ng covid-19 sa sanlibutan. Nawa’y maghilom na ang bansang Pilipinas.)